“Para tayong cactus na sa sobrang higpit ng yakap nating dal’wa, hindi natin namamalayan nasasaktan na pala natin ang isa’t isa”.
Uumpisahan ko sa isang araw
Sa araw na nakilala kita
Sa araw na nakausap ka
At sa araw na naging kaibigan kita
Nang makita kita
Hindi ko inasahan na magiging kaibigan kita
Nang makilala kita
Hindi ko inasahan na magugustuhan kita
At ng mas nakilala kita
Hindi ko inasahan na nagiging mahalaga ka na pala.
Naalala ko ang unang araw na nagkita tayo
Aaminin ko, naiilang ako
Dahil hindi ko alam kung anong sasabihin
Hindi ko alam kung paano ka kakausapin
Naalala ko ang unang beses mong hinawakan ang mga kamay ko
Kinilig ako
Tila ba’y may mga paru parong nagsisiliparan
Para bang tumigil sandali ang ikot ng mundo
Naalala ko ang higpit ng hawak mo sa mga kamay ko
Na para bang kahit saan ako magtungo
Hanggat hawak mo ako
Ay siguradong ligtas ako
Naalala ko ang unang beses na dumampi ang mga labi mo sa noo ko
Na nagpakalma sa puso ko
At pinaalala kung gaano mo ako nirerespeto
Ang halik mo sa noo ko na simbolo ng pagmamahal na alam kong pareho nating naramdaman
Naalala ko ang unang beses na ang mga labi natin ay dumampi sa isat isa
Para bang ako’y nasa langit kasama ang lalakeng mahal ako at mahal ko ng sobra
Halik sa labi na gumising muli sa puso kong nagpahinga
Mga halik sa labi na nagsilbing simbolo ng pagmamahal na totoo.
Naalala ko ang unang byahe kasama ka
Ang tahakin ang mga lugar na hindi ko alam
Pero kampante ako dahil kasama kita
Byaheng ayoko sanang matapos dahil ako’y masaya habang katabi kita.
Naalala ko lahat mahal ko
Naalala ko ang mga masasayang alaala kasama ka
Naalala ko kung gaano tayo kasaya
Naalala ko ang pagmamahalan na sana ay di na matapos pa
Masaya
Oo, masaya
Sobrang saya dahil nakilala kita
Sobrang saya dahil nahanap kita
Masaya dahil nandiyan ka mahal ko
Ngunit lahat pala talaga ng saya
May kapalit na lungkot at luha
Kapalit ng sayang nadarama
Ay kalungkutan na di na ata matatapos pa
Bakit may mga bagay na di pwede?
Mga bagay na di maaari
Mga bagay na masaya naman tayo
Ngunit mga bagay na nasasaktan tayo.
Bakit magulo ang mundo?
Pwede bang gawing simple nalang?
Pwede bang alisin mo na ang “PERO”
Pwede bang isang simpleng “MAHAL KITA” nalang?
Maraming BAKIT ang nasa isip ko
Ngunit kahit isa sa mga ito ay hindi ko masagot
Maraming SANA ang nanghihinayang ako
Na kahit sarili ko ay umaasa sa mga sanang ito.
Sa totoo lang ayokong pakawalan ka
Pero ayoko din maging sakim sa paningin ng iba
Ayoko tanggalin sayo ang karapatang magmahal ng iba
Magmahal nang hindi nagkakasala
Panalangin ko
Sana maging masaya ka
Dahil yun ang mahalaga
Ang makita kitang masaya
Sana maging masaya ka
Uumpisahan ko sa isang araw
Sa araw na nakilala kita
At tatapusin ko sa isang gabi
Na labag man sa kalooban
Ngunit kailangang tatagan.
Bago ko tapusin ang tulang to
Gusto kong sabihin muli saiyo
Ang mga katagang, salamat sayo
Dahil naging masaya ako
Bago ko wakasan ang tayo
Gusto kong bitawan ang mga salitang alam kong totoo
Ang mga salitang hindi ko maipagkakaila sayo lalo na sa sarili ko
“MAHAL NA MAHAL KITA “.
– – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – – –
Panahon na siguro para bitawan ang mga salitang “TAMA NA. ITIGIL NA NATIN TO”.